Answer:
May isang taya na pipikit at magbibilang hanggang sampu saka nya hahanapin ang mga kalarong nagtatago. Ang una nyang mahanap ay syang susunod na taya.
Minsan iniisip ko na para pa rin pala tayong mga bata na mahilig pa rin maglaro ng tagu-taguan. Ako yung taya at ikaw yung patuloy na nagtatago. Mahirap pala yung maging taya na lang lagi. Nakakapagod din pala yung paulit-ulit ka na lang na maghahanap hanggang sa sumuko ka na. Kailan kaya darating yung oras na ikaw naman yung magiging taya? Ang daya daya mo naman kasi kahit kailan eh. Bakit kailangan ako lagi yung naghahanap sa’yo?
Hindi ko nga alam kung sinasadya mo ba lahat eh. Minsan naman kasi kung kailan malapit na kitang makita o kaya naman mahuhuli na kita eh mauunahan mo pa akong tumakbo o hindi naman kaya ay magtatago ka na lang ulit kasi alam mong hahanapin pa rin naman kita kahit anong mangyari. Alam mo kasing tatakbo pa rin ako papunta sa direksyon mo kaysa tumakbo ako pabalik sa base at unahan ka sa pagsigaw ng “Save!”. Minsan nga pakiramdam ko dinadaya mo lang talaga ako eh. Bigla bigla ka na lang kasing nawawala lagi kapag nakita na kita. Para ka pa ngang bula dyan eh, biglang nawawala ng hindi ko namamalayan. Minsan naman, para kang kabute, biglang sumusulpot. Madalas tuloy akong nagugulahan sa’yo. Lagi ka na lang ganyan. At hanggang ngayon para ka pa ring bata. Ang hilig mong magtago at tumakbo palayo sa akin. Bakit? Ayaw mo na ba akong maging kalaro? O masyado ka lang natutuwang magpahabol at magpahanap? O hindi naman kaya’y patuloy ka lang talagang umiiwas sa akin kaya nagtatago ka na lang?
Hanggang kailan ba tayo maglalaro ng tagu-taguan ha? Patuloy ka pa rin bang tatakbo palayo? Patuloy ka pa rin bang magtatago ng hinanakit mo sa akin kasi minsan hindi kita nahahanap? Kasi madalas sumusuko at napapagod na agad ako? Hanggang kailan ba tayo magiging ganito? Ayaw ko na maging taya eh. Ayaw ko na manghula kung may plano ka pa bang magpakita sa akin, kung saan ka ba talaga nagtatago, kung itutuloy pa ba yung laro natin, o kung may makikita pa ba talaga ako sa paghahanap ko. Kaya pwede bang ikaw naman yung maging taya kahit minsan? Sige na naman o, please?
Teka, naalala ko nga pala, hindi ba hanggang sampu lang naman dapat ang bilang sa tagu-taguan? Kaya bakit ganito? Ang tagal tagal ko ng nagbibilang dito eh. Hanggang ilan ba dapat yung bilang ko para masabi ko na rin yung “Boom! Sa wakas, nahuli na rin kita! Tara! Usap naman tayo o.”
Tara! Usap naman tayo o.